Kaya ko naman ipagsigawan sa buong mundo ang pagmamahal ko para sa‘yo, ngunit ngayon mas pipiliin ko munang mahalin ka nang tahimik at totoo.
Kahit nag iba na tayo, narito pa rin ako para sa‘yo. Kapag inaaway ka ng buong mundo andito lang ako para maging takbuhan mo. Sa iyong bawat panalo at pagkatalo, andito lang ako sumusuporta sa‘yo.
Ang nararamdaman ko man ay ‘di mapagsigawan, andito pa rin ako upang ikaw ay hawakan. Hindi ko man mabigkas ang pangalan mo nang malakas, lagi naman ito kasama sa panalangin ko bawat oras.
Nakaparami kong gustong sabihin sa‘yo, ngunit ang tanging mabigkas ng bibig ko ay ang salitang “kamusta ang araw mo? ”
“Ipinapanalangin ko na ikaw ay palaging nasa maayos sa mga oras na hindi na kita kayang kamustahin”
Mamahalin na lang kita nang tahimik, sa mga oras na hindi na natin naiintindihan ang isa’t isa. Sa mga oras na ang matatamis mong salita ay hindi ko na matamasa, mamahalin pa rin kita.
Saksi ang buwan at tala, sa mga bawat pag patak ng aking luha tuwing naalala kita. Nariyan ang mga butuin sa mga oras na sinasama kita sa aking panalangin at bawat awitin.
Mas pipiliin ko na lang muna pagmasdan ka mula sa malayo, habang iniisip ang mga imahinasyon kung sakaling naging tayo.
Kahit hindi ko na maramdaman ang presensya mo. Narito pa rin ako para sayo, nagmamahal nang tahimik at totoo.